Breakeven (Book1 Part7)
__________________________________________
Breakeven (Book1 Part7)
by: Migs
Tahimik lang kami sa loob ng sasakyan ni Edison pero sa tuwing susulyap ako sa gawi niya ay di maikakaila ang tuwa sa kaniyang mukha.
“Di ba dapat masaya ka, Martin? Ang bestfriend mo ng ilang taon, ang taong minahal mo buong buhay mo, hinalikan ka, hindi na niya kailangan magsabi ng kung ano man ang nararamdaman niya, ipinadama na niya sayo.” sabi ko sa sarili ko.
“Yun na nga eh, BESTFRIEND mo for years, makakaya mo bang mawala yun sa oras na magkasakitan kayo?” sabi ulit ng isip ko.
“Bakit di ka mapakali dyan?” tanong sakin ni Edison.
“W-wala lang.”
“Dahil ba dun sa kiss? K-kung di ka pa ready, ok lang sakin maghintay. ” bigla akong napatingin sa kaniya, iniabot niya ang kanan niyang kamay sakin at hinawakan ulit ang kaliwa kong kamay. Di nanaman ako nakasagot.
0000oooo0000
Wala parin kaming imikan hanggang sa marating namin ang tapat ng bahay.
“Una na ako.” paalam ko dito at bumaba na ng sasakyan niya.
“Martin wait.” habol nito sakin sabay baba sa kaniyang sasakyan.
Hinawakan niya ang aking kaliwang braso at pinaharap sa kaniya.
“Ano bang ikinatatakot mo?” pagkasabing pagkasabi nito ay niyakap niya ako, niyakap ng mahigpit.
“Nararamdaman ko, pareho tayong may nararamdaman para sa isa't isa pero nararamdaman ko rin na may pagaalinlangan ka.” sabi nito sakin.
Ramdam ko ang bawat tibok ng puso niya, sigurado akong yun din ang nararamdaman niya sa pagkakadikit ng dibdib ko sa dibdib niya. Bahagya kaming naglayo iniangat niya ang aking mukha unti unting lumapit ang kaniyang mukha sa aking mukha, masuyo at mainit na ang aming paghahalikan ng biglang bumukas ang front door ng bahay namin at iniluwa nito si Ram.
Masama ang tabas ng mukha nito pero hindi lang galit ang naaaninag ko, may sakit, pagkadismaya at may halo ding naguguluhan. Lumapit ito samin, nagsimula na akong kabahan.
“Nabasa ko ang a-article na ginagawa mo, di ko kasi sinasadyang nasagi ang tab ng laptop mo.” sabi nito habang nahakbang papunta samin ni Edison.
“Alam ko na hindi lang dahil sa article na yun kaya ka... kaya ka nakipaglapit sakin, nararamdaman ko, nararamdaman ko na mahal mo din ako sa bawat halik, bawat yakap at bawat haplos ng kamay mo, alam ko, may nararamdaman ka rin sakin.”
Napatingin ako kay Edison, hindi maipinta ang mukha nito. Ibinalik ko ang tingin ko kay Ram nagiintay ito ng sagot. Di ko alam ang aking gagawin, gusto ng bumuhos ng aking mga luha pero nadadaig ito ng pagkalito ko. Namalayan ko na lang na tumatakbo na ako papasok ng bahay namin, tinatawag ako ng magkapatid sa aking likuran ko, pero di ko na sila nagawang pansinin pa.
0000oooo0000
Di ko parin magawang harapin ang dalawa, limang araw narin ang nakalipas simula nung pilitin ako ng tadhana na pumili kila Edison at Ram at limang araw narin akong nakakulong sa aking kwarto at naguguluhan, di ko narin magawang tapusin ang article, andun lang ako, nakatitig sa cursor habang masigla itong nawawala at bumabalik na kala mo nangiinis pa.
Tumayo ako sa higaan at sinubukang tanawin ang bahay ni Edison mula sa bintana ng kwarto ko, namimiss ko na kasi ito, ito na ang pinakamatagal naming di pagkikibuan at ito narin ang isa sa pinakamabigat naming napagawayan.
“Tignan mo nga naman, ang dahilan lang naman talaga kung bakit di ko maamin kay Edison ang totoo kong nararamdaman ay dahil ayaw ko itong mawala sakin, pero ngayong siya na mismo ang nagsabing may nararamdaman siya sakin ay bakit parang mas lalo akong natakot? Natatakot ba ako dahil baka magkasakitan lang kami pag pinagpatuloy namin to at mawala ang pagkakaibigan namin? Natatakot ba ako na baka siya na ang bestfriend ko na minahal ko ng ilang taon ay ang tao palang makakasakit sakin?” naguguluhan ko paring sabi, ibinalik ko ang aking tingin sa gawi ng bahay nila Edison at nagulat ako na nakatingin ito sa aking kinalalagyan, napaupo ako bigla at sumandal sa dingding malapit sa bintana.
Natatakpan ng magkabila kong kamay ang aking mukha, ayaw kong ipakita sa kanila na nasasaktan ako, ayaw kong ipakita sa kanila na mahina ang loob ko pero patuloy parin sila sa panunukso.
““Lampayatot! Lampayatot!”” sabay sabay na sabi ng aking mga kaklase.
“Hoy Carl kalabaw and gang, layuan niyo nga yang kapitbahay ko! Kundi makakatikim kayo sakin!” sigaw ng isang bata na kasing payat ko lang din.
“Hoy Mongoloid lumayo ka dito baka gusto mong ikaw ang makatikim sakin saka yang teddy bear mong kulay uhog!” sigaw naman ng kaklase naming bully.
“Di ako mongoloid! Singkit lang talaga ako!” sigaw naman ng bata na nakilala ko na, siya yung batang nakatira sa tapat ng bahay namin, Edison ang pangalan nito kung hindi ako nagkakamali.
0000oooo0000
“Bakit kasi sinagot sagot mo pa eh.” sumbat ko kay Edison habang naglalapatan kami ng yelo sa mga pasa namin sa mukha.
“Sumosobra na kasi sila eh.” sabi nito.
“Nadamay ka tuloy.” sabi ko habang idinidiin ang yelo sa pisngi niya.
“Wala yun.” sabi nito sabay ngiti, kinalikot nito ang kaniyang back pack at inilabas niya ang manilawnilaw na teddy bear. Tinignan ko ito at bahagyang kumunot ang noo ko.
“Nga pala, gusto kong makilala mo si uhhhmmm... si Marti!” sabi nito.
“Anlaki laki mo na nag gaganyan ka pa.” sabi ko dito sabay iling, pero dahil sa sinabi niyang yun ay napangiti ako at parang nakalimutan kong may iniinda akong masakit na pasa sa aking mukha.
“Oi hindi ah! Bata pa kaya ako, saka si Marti lang ang kaibigan ko eh.” sabi nito sabay nalungkot. Napatingin naman ako sa kaniya at di ko mawari parang naawa ako dito.
“Gusto mo tayo na lang ang magkaibigan eh.” sabi ko sa kaniya at lumiwanag naman ang mukha nito.
0000oooo0000
“Hala!” sigaw ko ng mahulog ang scoop ng ice cream mula sa cone nito.
“Ano ba naman kasing dila ang meron ka?” natatawang sabi ni Edison.
“Ano ba yan, malas naman, favorite ko panaman yung chocolate.” sabi ko at napatingin ako kay Edison ng itapat nito sa mukha ko ang ice cream niya.
“Ayan oh, di nga lang yan chocolate.” sabi nito sakin, napatingin lang ako sa kaniya.
“Kadiri naman yun. Nilawayan mo na yan eh!” sabi ko.
“Di pa, etong side pa lang na nakatapat sakin ang dinilaan ko, sabihin mo lang kung ayaw mo.” sabi nito sakin na kala mo nangiinggit, pero di na ako kailangang tanungin ulit, para kaming tanga na nagpapasahan ng apa at dumidila sa iisang ice cream lang.
0000oooo0000
“Oh, akala ko chocolate ang favorite mo?” tanong sakin ni Edison habang nabili kami ng dirty ice cream sa labas ng unibersidad na pinapasukan namin.
“Cheese na kaya.” sabi ko dito.
“Kailan pa?” wala sa sarili nitong tanong sakin habang nadila siya sa sarili niyang icecream. Nagalangan ako, di ko masabi na simula noong nag share kami sa iisang apa ang simula ng pagka humaling ko sa cheese flavor na dirty ice cream.
“Matagal na.” at binigyan ko ito ng makahulugang ngiti, napatigil naman ito at panandaliang kumunot ang noo at di naglaon ay ngumiti na din sabay umakbay.
“Martin!” tawag sakin ng isa kong kaeskwela sa college ng journalism.
“Halika na, nagiintay na sila Seph.” sabi nito sakin.
“San kayo pupunta?” tanong ni Edison.
“Sa Megamall lang.” sabi ko dito.
“Ano nga ulit pangalan mo?” baling ni Edison sa aking kaklase.
“Joel.” sagot naman nito.
“Sabihin mo hindi sasama si Martin, sabihin mo may date kami.” sabi ni Edison sabay tulak sakin papunta sa sasakyan niya, gusto kong magalit dito pero mas nababalot ako ngayon ng kilig kesa pagkainis.
“Mag de-date?” tanong ko dito.
“Dapat totohanin mo yan.” sabi ko dito, bigla nitong kinabig ang manibela ng sasakyan niya at tumigil sa tapat ng bilihan ng kwek kwek.
“Ano to?” tanong ko.
“Mag de-date tayo sabi ko diba?” sagot nito.
“Kuripot!” sigaw ko dito.
0000oooo0000
“Edison, may sasabihin ako sayo.” nagaalangan kong sabi dito habang nakatihaya kaming dalawa sa bakuran nila at nagbibilad sa araw.
“Wala akong pera.” sabi nito.
“Gagu! Di naman yun eh.”
“Ano ba kasi yun?!” naiiritang sabi nito, habang hinihimashimas ang ulo ng kaniyang teddy bear. Nagbuntong hininga muna ako.
“B-bading ata ako.” sabi ko dito, nagiintay ako ng reaksyon niya, biglang inilagay ni Edison ang kamay nito sa kaniyang bibig, halatang pinipigilan ang sarili sa pagtawa.
“Edi good.” sabi nito ng makarekober sa pigil niyang pagtawa. Naningkit naman ang mata ko.
“Good ka diyan, tangna ka, kung di dahil sayo di ako magiging ganito.” bulong ko.
“Ano yun?” tanong nito sakin.
“Sabi ko, buti naman at ok lang sayo.” sabi ko na lang.
“Ahh, Oo naman.” sabi nito sabay hikab. Napabuntong hininga na lang ako, humawak ulit ito sa bibig niya at tahimik na humagikgik.
0000oooo0000
“Ano ba naman tong mga sinulat mo?” bungad nito sakin ng ipadala ko sa kaniya ang finishing article ko bago grumaduate.
“Bakit?” kinakabahan kong tanong.
“Parang kulang eh.” sabay haplos sa baba niya at nagiisip.
“Teka lang.” sabi nito sabay kuwa ng mga libro sa kaniyang bed side table sabay binato sakin.
“Ayan basahin mo.” sabi nito sakin.
“Lord of the Rings?” takang tanong ko dito.
“Di naman kasi yan tungkol sa mga hobbits lang, try to read between the lines, it's all about the heart and the emotions the author tries to instill in us.” sabi nito sakin, bahagya akong napaisip.
“Wala ito sa content ng kwento, kundi sa emosyon na gustong iparamdam ng author.” sabi ko sa sarili ko ng matandaan ang sinabing yun ni Edison.
Parang may kung anong nag-click sa loob ko. Agad agad kong kinuwa ang aking laptop at nakipagbuno dito.
Itutuloy...
Cute, sana si Edison piliin ni Martin!!! Pls....
ReplyDeletehehehehe kakilig naman sila nung mga bata pa kaya pala nadevelop ang feelings nila sa isat isa
ReplyDeleteAyan na... Nahihirapan ng pumili ni martin sa dalawa...
ReplyDeleteweeew!
ReplyDelete