Make It With You [Prologue]

 


DISCLAIMER: The following is a work of fiction. Any similarities to any written works and any person, living or dead are purely coincidental. This story is intended for mature audience, it may contain profanity and references to gay sex; if these offends you, please leave and find something more suitable to read. The author maintains all rights to the story. Do not copy or use without written permission.

 

Facebook: Miguel Salvador

Email: miguisalvador@yahoo.com

 

 

Make It With You

Prologue

By: Migs

 

 

I dedicate this story to my friend, Ezekiel Palacio. We miss you Zeke.

 

 

            Nakaramdam ng marahang pagsiko si Red sa kaniyang tagiliran habang nagbabasa ng balita sa internet patungkol sa mga patayan na nagaganap sa Pilipinas. Agad niyang binalingan ang Amerikanang katabi na siyang patuloy sa pagkuha ng kaniyang atensyon sa pamamagitan ng pagsiko sa kaniya, hindi ito nagsalita at ngumuso lamang sa direksyon ng pinto ng isang klinika. Tinignan niya ang lugar na iningunguso nito at nakita niya ang isang magandang babae. Pwede itong maging modelo o kaya naman sumali sa Miss Universe.

 

 

“She just won’t give up.” Saad ng babaeng African American na katabi ni Red na agad nakapagpahagikgik sa kaniya. Alam niya ang ibig sabihin nito. Umiling ang nurse sabay ngumuso na tila ba hindi ito aprubado sa ginagawa ng magandang babaeng iyon kahit pa na wala naman itong ginagawang masama.

 

 

“She really likes, Matthew.” Saad naman niya sabay kibit balikat.

 

 

“Who wouldn’t, that doctor man is one fine man.” Saad muli ni Sandra na may papitik pitik pa. Pero agad itong natigilan nang makita nitong tila ba isang criminal na nais pumasok sa kilinika ni Doc Matthew ang kanina pa nilang minamanmanan na magandang babae.

 

 

“Oh hell no!” saad ni Sandra sa kaniyang kaliwa sabay tayo at mabilis na nilapitan ang magandang babae. Napahagikgik muli si Red at ibinaling muli ang pansin sa article na binabasa niya kaniya bago pa kuhanin ni Sandra ang kaniyang atensyon.

 

 

“The Philippine government is being investigated by the ICC for the alleged killings of two dozen Human Rights Lawers…” babasahin pa sana ni Red ang mga susunod na linya ngunit narinig niya ang tila ba panenermon ni Sandra.

 

 

“He’s with a patient.” Mataray na saad ni Sandra sa magandang babae.

 

 

“I know. I’m not going to take long.” Saad naman ng magandang babae na para kay Red ay hindi angkop ang boses sa ganda nito. Tumaas din ang kilay nito na tila ba nagbigay ng impresyon na mataray ito at hindi papatalo kay Sandra. Ngunit sa pagkakakilala ni Red kay Sandra ay lalong hindi ito magpapatalo.

 

 

“He’s consulting on a cancer patient who may or may not have even the shortest time that you’re asking. There is a line. Get in line or you can also wait for him to finish all these patients.” Striktang saad ni Sandra sabay pakita sa haba ng pila sa kanilang harapan na nais singitan ng babae. Napatingin ang magandang babae at sinalubong siya ng mga mapanghusgang mata ng mga pasyente na matiyagang nagiintay doon.

 

 

            Tila napahiya ang magandang babae kaya naman nag walk out na lamang ito. Hindi mapigilan ng mga nandun na nakakita sa ginawa ni Sandra na magpalakpakan. Napangiti naman si Red sabay tango bilang pagpapakita ng pasasalamat kay Sandra na nagbigay lang ng isang ngiti. Kasabay nito ay ang pagbukas ng pinto ng klinika, lumabas na ang dalawang matanda na siyang Chine-check-up ni Doc Matthew.

 

 

Nakaupo ang matandang babae sa wheelchair, nakangiti ito habang ang asawa naman nito ay nakangiti ding tinutulak ang wheelchair palabas ng building na iyon. Hindi mapigilan ni Red ang matuwa para sa dalawang matandang iyon, alam niya tulad ng lahat ng pasyente na nandun na hinihintay na matignan ni Doc Matthew ay hinihiling nilang lahat na nakangiti din silang lalabas sa building na iyon.

 

 

            Kasunod ng dalawang matanda ay isang matangkad na lalaki, seryoso ang makinis at maputing mukha nito, kung posible pang maningkit ang mga mata nito, ay naniningkit ito dahil sa narinig na palakpakan kani-kanina lang dahil sa pagtataka.

 

 

“KJ talaga kahit kalian.” Bulong ni Red sa kaniyang sarili habang nangingiting umiling.

 

 

“Annie.” Simpleng sagot ng nurse. Umiling ng tipid si Doc Matthew bago tinapunan ng tingin si Red na agad itinago ang kaniyang cellphone sa bulsa at biglang hindi mapakali sa kaniyang kinauupuan.

 

 

“Red.” Tawag pansin ni Sandra sa kaniya sabay tango na tila na nagsasabi na siya na ang susunod. Tumango si Red at bumaling sa pinto at naglakad papasok dito.

 

 

            Bumilis ang tibok ng puso ni Red, sa loob ng sampung taon niyang pabalik-balik sa klinika na iyon ay kabisado na ng kaniyang katawan ang gagawin kahit hindi na ito pagisipan pa ni Red. Dala-dala ang isang damukal na kopya ng laboratory results at malalaking plaka ng CT scan, MRI at kung ano-ano pa ay mabilis niyang tinahak ang pinto papasok ng clinic, nang makapasok ay binate niya ng magandang hapon ang duktor. Umupo siya sa upuang nakalaan sa harap ng lamesa ng duktor na agad nilahad ang kamay bilang pagsasabi na ibigay na sa kaniya ang mga kopya ng labs at mga CT scan na agad naman niyang inabot kahit pa hindi pa siya nito muli tinatapunan ng tingin at abala parin ito sa pagrereview ng patient’s chart ni Red.

 

 

“You know we can do this at the restau---”

 

 

“That’s unprofessional.” Matipid na sagot ng duktor na siyang pumutol sa sasabihin ni Red.

 

 

“I still can’t understand why you force me to have my blood tested and my brain scanned every six months. I haven’t relapsed for almost five years now.” Tahimik na saad ni Red, ipinapanalangin na wag sana ma-offend ang duktor. Hindi niya kasi maintindihan kung bakit pa siya pabalik-balik sa klinika na iyon gayong hindi naman na umulit ang kaniyang sakit.

 

 

            Naglabas ng isang malalim na paghinga ang gwapong duktor, Ibinaba ang kopya ng mga laboratoryo ni Red, hinubad ang salamin at pinisil ang nose bridge nito na tila ba nagsasabing inuubos ni Red ang kaniyang pasensya. Agad na nagpanic si Red at sinubukan linawin ang kaniyang unang binitawang mga salita.

 

 

“I mean, I’m thankful that you guys are still looking after me even after Dr. Smith said that there’s only ten percent of relapse… It’s n-nice seeing you and all--- and uhmmm I know you’re doing this for free---” desperadong pagtatama ni Red sa kaniyang naunang sinabi habang iginagala ang mga mata, natatakot na ibaling ang tingin sa mukha ng gwapong duktor at makita ang galit sa makinis nitong mukha. Pero dahil sa kaba ay tila ba hindi niya mabawi ang naunang sinabi.

 

 

“Dr. Smith is a racist asshole.” Kalmadong saad ni Doc Matthew na ikinatigil sa pagsasalita ni Red.

 

 

“uhmmm—ok.” Saad ni Red sabay nagaalangang tinignan ang duktor na mataman na pala siyang tinitignan. Tila ba binabasa nito ang ekspresyon sa kaniyang mukha.

 

 

“He probably just said that so he wouldn’t see you again.” Derechang saad ni Doc Matthew. Alam niya ang ibig sabihin nito. Sa loob ng ilang taong pagpapagamot niya kay Dr. Smith ay ramdam niyang ayaw nito sa kaniya at ramdam din ni Red ang ibig sabihin ni Doc Matthew tungkol sa pagiging racist nito.

 

 

“And you’re right. I do not see why you should not go here for your follow up, given that it is free. Everything is free.” Seryoso at walang emosyon na saad muli ng duktor. Oo at medyo harsh ang sinabing ito ng duktor pero hindi na-offend si Red dito at maliban doon ay alam ni Red na ganoon lamang talaga ang duktor base sa pagkakakilala nito dito.

 

 

“Anyway everything still looks good.” Tumatango tangong saad ni Doc Matthew

 

 

“Thank God.” Napapikit na saad ni Red at nang buksan niya ang kaniyang mga mata ay nakita niyang matamang nakatingin sa kaniya ang gwapong duktor.

 

 

“And thank you Doc Matthew.” Balik ni Red na muli lang sinuklian ng matipid na tango ng duktor.

 

 

“I should get going. There’s like a hundred patient waiting for you out there.” Pagpapaalam ni Red habang inaabot mula kay Doc Matthew ang kaniyang mga files. Wala parin itong imik katulad ng nakasanayan kaya naman tuloy tuloy na lang siyang naglakad patungo sa pinto pero agad din siyang napatigil nang may biglang maalala.

 

 

“---Meera asked me to invite you for dinner at the restaurant.” Habol ni Red sabay bato ng tingin sa duktor na tipid paring tumango bilang sagot.

 

 

“Great! See you later.” Nakangiting saad ni Red sabay labas na ng pinto.

 

 

000ooo000

 

 

            Nagtatawan sila Red at kaniyang mga katrabaho sa kusina ng restaurant na kanilang pinagtratrabahuhan. Sarado na ang restaurant at ibig sabihin nun ay sila naman ang kakain, nagbibiruan si Red, Meera at dalawa pa nilang kasamahan habang naghahanda ng makakain nang marinig nilang magbukas ang backdoor. Agad silang napalingon habang pumapasok ang gwapong duktor.

 

 

            Natigilan si Rodj at si Lisa naman ay napanganga pa. Bihirang magpakita sa restaurant na iyon na pagmamayari ni Meera ang kapatid na si Matthew. Agad na tinawid ni Meera ang pagitan nilang magkapatid at niyakap ito ng mahigpit.

 

 

“Anong ulam?” wala paring emosyong tanong ng duktor na ikinangiti ni Red sabay iling habang si Rodj naman ay nasamid sa sariling laway. Awtomatikong kumuha ng isa pang silya si Red at mga pinggan upang idagdag sa nauna ng naka set up.

 

 

“Tingin mo sinasadya niyang laliman ng ganiyan ang boses niya or natural yan?” pabulong na tanong ni Rodj kay Red na ikinahagikgik naman ni Lisa sabay iling. Nangunot ang noo ni Red, hindi nagets agad ang ibig sabihin ni Rodj.

 

 

“I mean, tulad ni Chris Hemsworth, diba pinapalalim niya ang boses niya para lalo siyang pogi lalo na kapag in character na siya as Thor?” paglilinaw ni Rodj na ikinataas parin ng kilay ni Red sabay sulyap sa duktor na abala sa pakikipagtalo sa kapatid kung saan siya pwepwesto habang kumakain hindi alintana na pinaguusapan na siya ng tatlo pang tao na andun sa kusina.

 

 

“Kahit na laliman mo ang boses tulad ni doc, hindi ka parin magiging kasing gwapo niya, Rodj.” Pangaasar ni Lisa sabay tawa na parang sa pang kontrabida.

 

 

“Red, is Gio going to join us?” tanong ni Meera na siyang ikinasamid din ni Red sa kaniyang sariling laway.

 

 

“Who’s Gio?” tanong ni Matthew sabay tingin kay Red.

 

 

“Jowa niya.” Singit ni Rodj, makaepal lang.

 

 

“Ex---” pasimpleng pagtatama ni Red sabay inom ng tubig.

 

 

“Ha?” tanong muli ni Meera.

 

 

“Break na sila, Meera.” Paglilinaw ni Lisa, agad na tumingin si Red kay Matthew dahil sa hiya dahil sa pagkakalam niya ay wala naman itong alam sa preference niya.

 

 

“Is that OK?” wala sa sariling tanong ni Red kay Matthew na tila ba hinahanap ang approval nito sa hindi maipaliwanag na dahilan.

 

 

            Nagkibit balikat ang gwapong duktor.

 

 

“Whatever rocks your boat, man.” Simple nitong sagot.

 

 

“Orayt!” sobrang sayang saad ni Rodj sabay muwestro pa na tila ba inaaya ang lahat na magcheers na ikinataka ng lahat. Tila napahiya si Rodj kaya naman agad na lang niyang ininom ang alak na nasa kaniyang baso.

 

 

            Nagkatinginan si Red at Lisa at saka napatawa. Nagdikit ang kilay ng gwapong duktor habang si Meera naman ay nagtaka pero nahawa na lang din sa pagtawa ng dalawa kahit pa hindi niya naiintindihan ang joke.

 

 

“Kain na tayo.” Aya ni Rodj sabay mabilis na umupo at nauna ng sumandok ng pagkain na ikinahagalpak lalo ni Red at Lisa.

 

 

            Natapos ng masaya ang hapunan na iyon at maging sa paguwi ni Red sa kaniyang sariling apartment ay hindi parin humuhupa ang saya ng araw na iyon. Tahimik niyang itinago sa aparador ang kaniyang clinical files, nagbihis, naglinis ng katawan at saktong pahiga na siya nang marinig niya ang mahinang pagkatok sa kaniyang pintuan.

 

 

            Napakunot ang kaniyang noo. Wala siyang ine-expect na bisita para sa gabing iyon at hindi naman talaga siya nagkakaroon ng bisita lalo na kung palalim na ang gabi. Wala sa sarili niyang tinawid ang espasyo sa pagitan ng kaniyang kama at front door. Dahan dahan niyang binuksan ng kapiraso ang pinto at nang makita kung sino ang kaniyang bisita ay tila ba tumigil ang kaniyang puso.

 

 

“Mico---” saad niya habang dahan-dahang nilalakihan ang pagkakabukas ng kaniyang pinto.

 

 

 

            Seryoso ang mukha nito. Malaki na ang pinagbago ng mukha nito simula nung huli niya itong makita, tumanda na ito pero lalo lamang itong gumandang lalaki. Lalong lumaki ang katawan nito marahil dahil sa pagsali sa military. Maganda parin ang kutis nito, kayumanggi na tila ba lalong nakakadagdag sa pagkalalaki nito, maamo parin ang mga mata.

 

 

            Ang mga mata nito. Malamlam ang mga mata nito. Kung kanina ay tila tumigil ang puso ni Red sa pagtibok ngayon naman ay tila ba nagpapakitang gilas ito at daig pa niya ang tumakbo ng isang kilometro sa bilis ng tibok nito.

 

 

“I need to talk to you.” Gamit ang baritono nitong boses.

 

 

            Alam ni Red na may mali. May sampung taon na nang huli niyang nakausap si Mico. Hindi naging maganda ang kanilang huling pagkikita at lalong hindi maganda ang kaniyang lagay nang huli sila nitong nagusap. Akala niya ay hindi na niya ito kailanman makikita at sa totoo lang ay hiniling niya na hindi na niya ito pa makita.

 

 

“You need to leave. You have no reason to stay here anymore. You have to leave.”

 

 

            Napapikit si Red nang maalala ang tagpong iyon sa pagitan nila ni Mico.

 

 

            Masamang balita ang huling hinatid ni Mico sa kaniya. Ngayon sa hindi maipaliwanag na dahilan ay tila ba alam na ni Red sa kaniyang sarili na masama muli ang balitang ihahatid sa kaniya ni Mico. Agad na humabol sa pagpapakitang gilas ang kaniyang isip. Tulad ng kaniyang puso ay tila ba dinownload-an ng napakaraming impormasyon ang kaniyang isip.

 

 

            Agad siyang nagaalala para sa kaniyang mga magulang na naninirahan sa Pilipinas. Iniisip kung kalian niya huling nakausap ang dalawang matanda. Iniisip niyang maigi kung may nabanggit ba ang dalawang matanda patungkol sa pagkakasakit ng mga ito. Agad na nanlambot ang mga tuhod ni Red, kinailangan niyang tumukod sa pinto para sa suporta.

 

 

            Saglit na napayuko si Red, humabol nadin kasi ang kaniyang tiyan at dumagdag sa dami ng kaniyang nararamdaman. Tila ba nais muli ng kaniyang kinain na lumabas pabalik. Ganun din ang kaniyang mga baga, tila ba bigla siyang kinapos sa hangin.

 

 

            Ang mga masasayang nangyari sa buong araw na iyon ay agad nawala. Nabasa ni Mico sa mukha ni Red na tila ba kung ano ano na ang iniisip ng kaniyang kaharap kaya naman agad na niyang sinabi kung bakit siya andun.

 

 

“It’s Ace---”

 

 

            Agad muling sinalubong ni Red ang tingin ni Mico atsaka tumingin sa likod nito na tila ba ine-expect niya na biglang bubulaga sa likod ng kapatid nito si Ace na ikinatigil niya sa pagpapatuloy ng kaniyang sasabihin. Lalo siyang nagalala. Pero naisip niya din na at least ligtas ang kaniyang mga magulang. At naisip di ni Red na naparoon lang si Mico para o dahil kay Ace.

 

 

Pero nakakaramdam parin siya ng kaba at pagaalinlangan at aminin man ni Red sa kaniyang sarili o hindi ay nakaramdam din siya ng sakit. Matapos ang sampung taon ay hindi niya parin alam ang sasabihin at ikikilos kapag nakaharap niya si Ace. Hindi niya alam kung ano ang isusumbat dito, hindi niya alam kung angkop bang umiyak siya, magbigay ng tipid na ngiti o simpleng tumango na lang na parang magkaibigan lang sila na matagal ng hindi nagkita.

 

 

Ngunit nang makita niya ang ibang lungkot sa mga mata ni Mico nang makita siya nitong tila ba iniintay ang pagsulpot ni Ace ay muling binalot ng kaba ang buong pagkatao ni Red. Pangalawang beses pa lang niyang nakita ang ganung emosyon sa mukha ni Mico.

 

 

Una ay nang malaman nito na mamatay na sa sakit na Cancer si Red.

 

 

Muling bumilis ang tibok ng kaniyang puso, muling kung ano ano ang inisip ng kaniyang utak, muling biglang naghabol sa hangin ang kaniyang baga at tila ba nag a-albruto nanaman ang kaniyang tiyan.

 

 

“Sino---”

 

 

Nanlamig ang buong katawan ni Red, hindi niya matapos ang tanong.

 

 

“It’s Ace. He’s dead.”

 

 

Itutuloy…

 

 

 

 

 


Comments

Popular posts from this blog

Against All Odds 2[38]

The Rebound

Different Similarities 2[16&epilogue]