Make It With You [Chapter 4] Contrast
DISCLAIMER: The following is a work of fiction. Any similarities to any
written works and any person, living or dead are purely coincidental. This
story is intended for mature audience, it may contain profanity and references
to gay sex; if these offends you, please leave and find something more suitable
to read. The author maintains all rights to the story. Do not copy or use
without written permission.
Facebook: Miguel Salvador
Email: miguisalvador@yahoo.com
Make It With You 4
By: Migs
I dedicate this story
to my friend, Ezekiel Palacio. We miss you Zeke.
Sinilip uli ni Red ang wall clock.
Hindi siya makapaniwala na alas tres na ng madaling araw at hindi pa sila tapos
ng kaniyang ina. Iniisip niya na wala nanaman siyang enerhiya mamaya sa
eskwelahan pero naisip niya din na kailangan nilang tapusin mag-ina ang
pagluluto at pagaayos ng mga putahe na order sa kanila. Maliban sa trabaho ng
mga magulang ay isa din iyon sa pinagkukunan nila ng panggastos sa araw-araw.
“Anak, matulog ka na. kaya ko na ‘to. Yang macaroni salad na
lang naman ang di pa tapos.” Saad ng matandang babae pero umiling lang si Red.
Matanda na ang kaniyang ina at tulad niya ay may pasok din ito ng alas otso ng
umaga kaya naman pinilit niyang tapusin ang ginagawa.
“Naku, Ma, ikaw na ang mauna magpahinga. Maya-maya lang ay
tapos ko nadin ‘to at isa pa wala din naman kaming masyadong gagawin sa school
mamaya. Pagkatapos ng isang minor subject ay practical exam lang sa baking and
frosting ang gagawin namin sa hapon.” Pangungumbinsi si Red sa ina na agad
naman nagpasalamat at humalik sa kaniyang pisngi.
“Swerte talaga namin sayo ng Papa mo.” Bulong nito bago
tumalikod.
Isa ito sa
tumutulak kay Red na magsumikap makatapos. Nais niyang magbigay ng magandang
buhay sa kaniyang mga magulang kung saan wala ng masyadong iintindihin ang mga
ito pagtanda. Nang mailigpit na at mahugasan ni Red ang mga ginamit nila sa
pagluluto ay agad siyang pumunta sa kwarto upang magayos na papasok.
000ooo00
Nang
mai-deliver na nila ng kaniyang ama ang mga pagkaing inihanda nila kagabi ng
ina ay mabilis na bumalik si Red sa sasakyan pang trabaho ng kaniyang ama.
Nakangiti siya ng malaki dahil pinasobrahan pa ng nagpaluto sa kanila ang
bayad. Hindi narin napigilan ng kaniyang ama na mapangiti kahit pa alam nitong
pareho na silang mahuhuli sa trabaho at eskwela ng kaniyang anak. Ang magandang
ngiti na iyon ng kaniyang anak ang bubura sa pagaalala ng kahit na sino mang
mahuhuli sa trabaho at siguradong mahahawa pa at mapapangiti din.
“Nagtagal ka ata, anak?” tanong ng matandang lalaki.
“Nako Pa, tinikman pa nung matandang babae na nanay nung
nagpaluto ang bawat putahe na inorder nila para daw makasiguro na masasarapan
ang mga bisita nila--” nakanguso at umirap na saad ni Red pero agad ding
ngumiti.
“Mukha namang nagustuhan nila kasi ngiting-ngiti ka na
lumabas nung compound nila eh.”
“Ay oo, Pa. pinasobrahan pa nga po nung matandang babae ang
bayad. Ito po oh---” saad ni Red na galak na galak na inabot sa ama ang pera.
“Kuhanin mo na ang sobra, anak. Pambaon mo.” Udyok ng ama.
“Nako, Pa. may baon pa ako na tira. Itago niyo na lang po
yan.” Nagpalitan lang ng ngiti ang mag-ama at saka inihilig ni Red ang kaniyang
ulo at masayang umidlip sandali habang tinatahak nila ang daan papasok.
Nang imulat
ni Red ang kaniyang mga mata ay saktong nasa tapat na sila ng kaniyang campus.
Humalik siya sa pisngi ng ama at nagpaalam na papasok na, matapos magpalitan ng
salitang “Ingat” ay binuksan na ni
Red ang pinto ng sasakyan ng ama at naglakad na papunta sa classroom niya ng
humanities. Pero nakakailang hakbang pa lang siya ay wala sa sarili siyang
napakapit sa gate ng campus upang suportahan ang sarili sa pagtayo. Hindi niya
alam kung bakit pero bigla siyang nahilo.
Pumikit siya
saglit at nang mapansin niyang hindi na siya nahihilo ay agad na siyang pumunta
sa kanilang classroom upang hindi na mahuli. Naabutan niya si Nick at Ace na
masayang nagkwekwentuhan. Kinawayan niya ang mga ito at tumabi kay Nick. Ito na
kasi ang nakaupo sa dati niyang inuupuan nung unang pasok ni Ace sa subject na
iyon. Alam naman ni Red na may crush si Nick kay Ace kaya hinayaan na niya ito
na umupo sa kaniyang pwesto.
Dumating na
ang madre at natahimik na ang lahat. Abala lang si Red sa pagbabasa sa mga
recipe na kinopya niya online nang makaramdam uli siya ng pagkahilo at nagyon
ay tila ba mas lumala pa ito, sa sobrang lala ay tila ba naduduwal siya. Agad
siyang tumayo at nagpaalam sa madre na pupunta lang ng CR pero hindi pa man
siya nakakaisang hakbang ay nagdilim na ang kaniyang paligid.
000ooo000
Nagising si
Red nang makarinig siya ng pagkaluskos sa kaniyang paligid. Napapaligiran siya
ng kurtina at sa bungad nito ay may isang lalaki na nakatayo, ibinaling niya
ang kaniyang tingin sa kaniyang kaliwang kamay at nagulat pa siya nang makitang
may naka kunekta sa kaniyang dextrose. Nasa ER siya ng University Hospital na
nasa loob mismo ng campus nila.
“He’s just dehydrated, Ace.” Walang ganang saad ng lalaki na
kumuha ng pansin ni Red. Kilala niya ang nagsalitang yun at ngayon ay kilala
nadin niya ang lalaking nakatayo patalikod sa kaniya sa bungad ng cubicle kung
saan siya nakahiga.
“Wag kang maingay kuya baka magising si Re---” simula ni Ace
pero natigilan din nang mapansin niyang gising na pala ang kaklase.
“O, welcome back to the world of the living.” Masayang bati
ni Ace sa kaniya. Nagpakawala na lang si Red ng isang nahihiyang ngiti pero
agad din yun nabura sa kaniyang mukha nang sumilip at namukhaan niya ang
lalaking kausap ni Ace.
“Dehydarated ka, mababa ang sugar and mukhang over fatigued.
Pahinga lang sa bahay, inom ng madaming tubig at kumain ng tama sa oras para di
na maulit ang nangyari sayo. Buti at may nakasalo daw sayo---” sunod sunod na
saad ni Mico sabay tingin kay Ace at sa nakabenda nitong kamay bago nagpatuloy
sa pagsasalita. Nagets naman ni Red ang ibig sabihin ng tingin na iyon ni Mico.
Si Ace ang sumalo sa kaniya at baka kaya nakabenda ang kamay nito ay dahil sa
ginawang iyon ng kaklase. Bigla siyang naguilty at kasabay non ay ang pag ariba
nanaman ng kaniyang tiyan. Hindi dahil naduduwal siya kundi dahil natuwa siya
sa ginawang pagsagip sa kaniya ni Ace. Pero nakinig parin siya sa pagpapatuloy
ni Mico sa pagsasalita.
“---bago tumama ang ulo mo sa sahig kundi baka mas malaking
problema ang nangyari kung nagkataon.” Pagtatapos ng nakatatandang Santillan na
noon lang napansin ni Red na nakasuot pang Med student.
“Duktor ka?” wala sa sariling tanong dito ni Red. Napatiim
bagang ang nakatatandang Santillan at si Ace naman ay pinipigilan ang sarili na
mapatawa.
“Clerkship na at saktong dito sa ER ang rotation ko nung
nagsisisigaw ‘tong best actor na’to---” sabay turo sa kapatid “---habang
karga-karga ka.” Wala paring emosyon na saad ni Mico habang si Ace naman ay
napahimas lang sa sariling batok bilang pagpapakita ng kahihiyan sa ibinunyag
ng kapatid na iyon. Namula naman si Red pero nagpakawala siya ng isang matamis
na ngiti sa direksyon ni Ace bilang pagpapasalamat. Ngumiti nadin si Ace. Hindi
ito nakaligtas kay Mico na ipinabalikbalik ang tingin sa dalawa.
“Ehem.” Pagtatanggal kunwari ng bara ni Mico sa kaniyang
lalamunan.
“Ah eh---kuya, sigurado ka bang pwedeng pauwiin si Red? Baka
kailangan niyang i-confine. Anong sabi ba ng senior mo---?” simula ni Ace na
ikinatiim bagang uli ni Mico pero hindi parin ito nagpakita ng kahit na anong
emosyon.
“Sinabi ko na sainyo kung ano ang sinabi ng senior ko.”
Matipid nitong sagot sabay tingin ng mariin sa nakababatang kapatid na tila
naman biglang hindi napakali.
“Diba magstatart na in ten minutes ang next class mo? Baka
gusto mo na pumasok.” Saad uli ni Mico na may halong sarcasm ang huling sinabi.
“O-oo nga pala. S-sige-sige. Isasama ko na ba si Red or---”
simulang tanong ni Ace kay Mico.
“Tinawagan ko na ang parents niya. Pupunta daw sila after
work---” simula ni Mico sabay tingin ng mariin kay Red. Alam ni Red ang ibig
sabihin ng tingin na iyon. Sa isang gabi na nakasama niya ito ay alam niyang
may halong panghuhusga ang tingin na iyon pati na ang huli nitong sinabi. Alam
niya na ang iniisip nito ay napakawalang kwenta ng kaniyang mga magulang
sapagkat mas pinili pa nitong mga ito na tapusin ang trabaho kesa puntahan siya
sa kabila ng medical emergency na kinakaharap niya.
Hindi niya
muli mapigilang mainis sa nakatatandang Santillan. Sobrang laki ng pinagkaiba nilang
magkapatid at habang pinapanood niya ang mga ito ay hindi niya mapigilang
maipagkompara ang mga ito.
Si Mico ay laging seryoso, guarded
ang mga emosyon na ipinapakita, mapanghusga at suplado. Habang si Ace naman ay
taong hahanapin mo kapag kailangan mo ng tunay na kaibigan. Palangiti at
mabilis malapitan, tila ba kahit ano ay pwede mong sabihin dito at pilit ka
nitong iintindihin ng walang halong panghuhusga.
“---OK nadin yun para at least ma-observe din siya at
ma-hydrate.” Pagtatapos ng gwapong duktor.
“OK sige.” Saad ni Ace sabay paling sa kaklase at lumapit sa
hinihigaan nito.
“Red, pasok na ako ah. Si kuya na ang bahala sayo. Pagaling ka.”
Paalam ni Ace sabay hawak at pisil sa kamay ni Red. Naramdaman ni Red na tila
ba umiinit ang kaniyang mga pisngi, hindi niya alam kung dahil ba iyon sa
dehydration na nararanasan niya sa oras na iyon o dahil sa ginawa ng gwapong
kaklase na paghawak at pagpisil sa kamay niya.
Lalong
naginit ang pakiramdam ni Red nang ilapit ni Ace ang mukha nito sa kaniya.
Akala niya ay hahalik pa ito sa pisngi niya o sa kaniyang noo. Agad siyang
napailing upang maialis sa isip niya ang salitang “halik”. Lalo na at Imbis
pala kasi halik ang gagawin ni Ace ay bubulong pala ito.
“---Ikukwento mo pa sakin kung pano kayo nagkakilala nitong
si Dr. Grumpus.” Pagtatapos ni Ace sabay hagikgik. Hindi naiwasan ni Red na
sumulyap sa nakatatandang Santillan, naabutan niya itong naglalakad na palayo
pero alam niya at sigurado siya na nakita nito ang mga huling tagpo sa pagitan
nila ng nakababatang kapatid nito.
“Saka ipagluluto mo pa ako ng kare-kare saka kaldereta saka
menudo---” simula uli ni Ace sabay pout na lalong nakapagpa albruto sa tiyan
niya. Tumayo na ng derecho ang kaklase saka kumaway bilang paalam na aalis na
ito.
“Ha? Kare-kare lang ang usapan ah?” natatawang saad ni Red na
ikinahagikgik na lang ni Ace at muling kumaway at kumindat pa.
“Thank You Ace.” Mahinang saad ni Red sabay ngiti. Sa hindi maipaliwanag
na dahilan ni Red ay saglit pa na tumigil si Ace sa paglalakad at tumitig sa
kaniya bago nagpakawala ng isang matamis na ngiti saka tumalikod at naglakad
palayo.
Inabot niya
ang kaniyang bag na nakalagay sa upuan. Kinuha niya ang kaniyang cellphone at
nakitang madami na palang text at missed calls sa kaniya ang kaniyang mga
magulang. Isa isa niyang binasa at sinagot ang mga yun. At ilang Segundo lang
matapos masend ni Red ang text sa kaniyang mga magulang ay agad na nagring ang
kaniyang cellphone.
Tila
armalite ang bibig ng kaniyang ina. Hindi na siya nakasingit sa pagsagot, kung
hindi lang seryoso ang kaniya ngayong nararanasan ay baka napatawa na siya sa
sobrang OA ng pagaalala ng kaniyang ina. Asa ganitong tagpo nang biglang
sumilip si Mico. Biglang kinabahan si Red, hindi na niya inintindi ang kaniyang
ina.
“Ma, i-che-check up lang ako uli saglit ng duktor. Tawagan
kita mamaya.” Paalam ni Red sa kabilang linya sabay lagay uli ng cellphone sa
bag. Dahan-dahan lumapit si Mico at doon lang napansin ni Red na may mga hawak
na itong mga aparato pang check up.
“Hindi masyadong malinaw ang history na sinabi ng kapatid ko
kanina. Kailangan daw uli kitang interview-hin sabi ng senior ko.” Wala paring
emosyon na saad ni Mico sabay tinulungang i-upo si Red.
Pinahinga
siya ng gwapong duktor ng malalim pagkatapos ay dere-derechong tinanong tungkol
sa mga naramdaman nito bago mawalan ng malay. Habang nagkwe-kwento si Red ay
patuloy lang si Mico sa pagcheck ng kung ano-ano, andiyan ang ilawan siya sa mata,
silipin ang loob ng kaniyang tainga at lalamunan at pati narin ang pagkapa sa
kaniyang lymphnodes.
“Nahilo ka lang, yun lang? Puwede mo bang i-describe ang hilo
mo?” saad ni Mico na sa hindi maintindahan na rason ay ikinainis ni Red.
“Parang umiikot yung paligid ko.”
Matipid na sagot ni Red. Tumango-tango lang si Mico.
“Vertigo yan. Plus dehydrated ka.
Re-resetahan na lang kita ng para sa hilo at pwede ka na umuwi kung hindi mo
maiintay ang parents mo.” Wala paring emosyon na saad ni Mico habang tinatapos
ang reseta na isinusulat nito.
Matapos
isulat ang reseta ay agad na tumalikod ang duktor.
“Thank you.” Sarkastiko na saad ni
Red na ikinakuha ng atensyon ni Mico. Muli itong humarap sa kaniya sabay kunot
ng noo.
“Di pwedeng ganiyan ka kung
magdu-doktor ka, Mico. Kailangan mo ng konting rapport, kailangan ng konting
empathy, kailangan mong magpakatao. Para ka kasing robot, nakaprograma para sa
isang bagay lang. ibang iba kayo ni Ace---” simula ni Red pero muling bumukas
ang kurtina at iniluwa nito ay may lima o anim na mga duktor.
“Tama ang pasyente, Dr. Santillan.
Kailangan ng konting pagpapakita ng nararamdaman yung tipong pinapakita mo na
nakaka-relate ka sa pasyente mo.” Saad ng may katandaang duktor sabay may
isinulat sa clipboard na ikinagulat ni Red. Hindi niya akalain na inoobserbahan
pala sila ng instructor ni Mico at iyon pala ay graded. Natatakot na sumulyap
si Red kay Mico na kita na ang galit at inis sa gwapong mukha at matalim nadin
ang tingin sa kaniya.
“With all due respect, Dr. Olaes but
I’m planning to be an army surgeon, being empathetic of the patient’s feelings
will be the least of my priorities once I’m in the field.” Balik naman ni Mico.
“With all due respect to you too, Dr.
Santillan but before you train to be an army surgeon you have to train to be a
General Physician first, then a surgeon and then a trauma surgeon. All of those
trainings will be in a hospital setting and not in the battlefield. You are
talented and skilled, Dr. Santillan, maybe even ahead of all you peers pero
hindi pwedeng laging ganon, tama ang pasyente mo. Dapat ka ring magpakatao.”
Pambabara ng matandang duktor. Wala ng umimik pa kaya naman nagpatuloy na lang
ang matandang duktor sa lecture niya patungkol sa naging sakit ni Red.
Matapos
ang ilang kuro-kuro kung ano marahil ang dahilan kung bakit siya nawalan ng
malay ay agad nading lumipat sa kabilang cubicle ang mga duktor. Nagpahuli si
Mico na ikinakaba ni Red. Alam niyang gaganti ito kaya naman inunahan na niya
ito umaasa na hindi na mauwi sa pagtatalo o debate ang nangyari.
“I’m sorry.” Sinserong saad ni Red
dahil sa panlalaglag niya dito pero saglit pa siyang minata ni Mico bago
nagsalita.
“Get the hell away from my brother.”
Puno ng galit na pagkakasabi ni Mico.
Halos
kapusin si Red ng hininga.
Itutuloy…
Comments
Post a Comment